Ella,
As we always say “change for the better” pero para sakin di mo na kailangan maging better kasi para sakin best ka na. Sana tandaan mo ‘to: merong tao na nagmamahal sayo ng sobra sobra at siya ay nag-aantay na mahalin mo rin siya.
______________________
Wala akong masabi nung binabasa ko yung buong sulat.. pero ito lang yung pinaka nakakuha ng atensyon ko kasi ito yung meaningful sa lahat. Hindi ko lang talaga akalain.
Change for the better, yan lagi yung sinusulat sa reco letters.. pero madalang lang ako makabasa ng ganyan sa mga sulat na natatangap ko. “Wag ka ng magbago,” yan ang nakikita ko kasi sabi nila, kung anuman ako ngayon, okay na ako.. wala na daw dapat baguhin. Totoo naman kaya? Pero dati lagi nilang sinasabi na bawasan ko ang pagiging pala-aral ko kasi matalino na daw ako at bawasan ang pagiging masungit. Pero yung i-consider ako na best? Ibang usapan na yan lalo na kung sa ibang tao manggagaling. Kung galing ‘to sa bestfriend ko o kaya naman sa pamilya ko, hindi ako magrereklamo.. kasi sila yung taong naniniwala sakin. Pero galing sa ibang tao? Lalo na sa lalaki? Parang hindi katanggap-tanggap. Bakit? Maraming mas mabait, mas maganda, mas talented at mas matalinong babae diyan.. ang dami mong pagpipilian, bakit ako?
May nagmamahal sayo, gusto kong marining yan kapag pakiramdam ko na walang nagmamahal sakin lalo na kapag nalulungkot ako. May nagmamahal sakin ng sobra-sobra? Unang reaksyon ko, “Weh? Di nga?” Pero sa totoo lang, nakakataba ng puso. Kaso sobra kasi eh.. masama yun, kasi lahat ng sobra, umaapaw at nasasayang lang, hindi ba?
Hindi ako yung tipo ng tao na kayang maghintay ng sobrang tagal kaya ito ang masasabi ko: Ang hirap maghintay lalo na kung hihintayin mong mahalin ka rin ng taong mahal mo. Pero humahanga lang ako sa taong nagsulat ng liham na ‘to.. dahil nagagawa niya yun para lang sa taong mahal niya.
Ella,
Sorry kung lagi kang napagtritripan dahil sakin. Pagpasensyahan mo na kung ganon ang mga nangyayari. Huwag sanang sasama ang iyong loob sa akin at sana’y maging magkaibigan na lamang tayo at wag ng bumaba doon. Sa totoo lang, pinipigil pa ng aking konsensiya na sabihin ang aking nararamdaman. Pero sa saglit ng aking loob ay lumakas, ako agad ay lalapit sayo kung gugustuhin mo lamang. Maraming pumapasok sa aking isipan na tinutulak ako mapalayo sa iyo lalo na ang aking grado at aking pagiging loko-loko. Marami pa yatang oras na natitira kaya hindi pa ko gumagawa ng desisyon. Sana wag kang magalit kung iyon ang nasabi ko kahit na parang nag-aalangan ka sa akin. Hindi ko nga alam kung bakit ko ito sinulat eh. Siguro nagkaroon ako ng gana nung nalaman ko na hinahangaan mo ako noon. Nahihiya nga ako kasi wala man lang akong galing na talento, hehehe. Gusto ko rin nga palang umamin na ang ganda mo talaga lalo na’t pag ngumingiti ka habang pinagmamasdan kita. Kaso pag pinagtritripan ako dinadaan ko na lang sa pagiging tahimik kaso nahihirapan akong pilitin. xD Pasensya na kung maikli ang nasulat ko. Oo nga pala.. Happy reco! Advance happy birthday! Aasahan ko sana reco letter mo. Sige.. keep smiling! Ingat lagi. I love you.
Truly Yours,
________________
Isa sa mga bagay na ginagawa ko kapag wala akong magawa.. binubuksan ko yung box na puno ng mga liham galing sa mga kaklase’t kaibigan ko pag may recollections at retreat. May mga nakakatawa, nakaka-touch at hindi mo maipaliwanag na feelings kapag may nababasa kang hindi mo inaasahan. Sabihin mo man ako ng old-fashioned, pero gustong-gusto ko pa ding nakakatanggap ng sulat lalo na pag makabuluhan yung nilalaman.
Isa lang ito sa mga naitago ko.. at hindi ko maiwasang matawa at maguluhan. Yung unang parte kasi.. parang ewan lang. Para sakin, parang nagiging makata pa nga yung nagsulat kasi magkakatunog yung mga salita na ginamit niya. May potensyal tong maging isang manunulat ng tula balang araw kung gugustuhin niya. Hindi rin siguro tama yung paglalarawan niya sa sarili niya na loko-loko.. sa pagkakaalam ko, mabait, tahimik at gentleman pa nga ‘to eh. Kung loko-loko siya, hindi ko siya magugustuhan, di ba? Naging ‘crush’ ko kasi ‘to dati. Naniniwala din akong may talento siya.. ang taas na rin ng narating niya ngayon. Sinong mag-aakala na ganon ang mangyayari?
Ang tagal-tagal na naming hindi nagkakausap. Parang hindi kami magkilala, parang hindi rin kami magkaibigan. Pero parang ang dami niyang gustong sabihin.. di ko nga matandaan kung binigyan ko ba siya ng sulat eh. Sa pagkakatanda ko, hindi ko ata siya nabigyan kasi wala akong maisulat. Siguro bago mag-graduation, bibigyan ko siya… kung magagawa ko.
Natutuwa lang ako sa sinabi niya, ang ganda ko daw lalo na pag nakangiti. Sa isip-isip ko, “Weh? Di nga? Parang hindi naman.” At isipin mo nga naman, may “I love you” pa sa dulo. Ano kayang ibig sabihin nun?
Siyempre hindi ko sasabihin kung sino ‘to. Sikretong malupit na lang.